Tuesday, March 18, 2008

NEGOSYO

I. Introduksyon

A. Panukalang Pahayag


Mas mabilis ang pag-unlad ng mga Tsino kaysa sa mga Pilipino sa larangan ng pagnenegosyo sa Pilipinas.

B. Paglalahad ng Suliranin

Dumaragsa na ang mga negosyanteng Tsino sa Pilipinas. Hindi na maitatanggi na mas maunlad ang mga negosyo ng karamihan sa kanila. Ito ang nais tugunan ng mga mananaliksik. Bakit nga ba sa dinarami-rami ng mga Pilipinong nagtatayo ng negosyo, mas mabilis pa rin ang pag-asenso ng mga negosyanteng Tsino sa Pilipinas?


C. Kabuluhan ng Pananaliksik

Ang pananaliksik na ito ay tatalakay sa mga aspeto kung bakit mas mataas ang porsyento ng progreso ng mga negosyanteng Tsino kaysa negosyanteng Pilipino sa sariling bansa. Mahalaga rin ang pananaliksik na ito sapagkat ito’y makapagbibigay kaalaman ukol sa pagnenegosyo na maaaring pagtuunan ng pansin ng mga nais magnegosyo sa hinaharap.


D. Layunin

Ang kabuuang layunin ng pananaliksik na ito ay upang masiyasat ang mga dahilan ng mabilis na pag-asenso ng mga negosyanteng Tsino. Ito ay naglalayong malaman ang kaibahan ng mga Tsino sa mga Pilipino ukol sa pagpapatakbo ng negosyo. Minarapat din ng mga mananaliksik na malaman ang mga istratehiya ng mga negosyanteng Tsino sa kanilang negosyo upang matugunan ang kakulangan sa negosyo ng mga Pilipino.


E. Saklaw at Delimitasyon

Tatalakayin ng pananaliksik na ito ang mga sanhi at bunga, maging ang mga proseso sa kronolohikal na ayos. Kung paano naabot ng ilang negosyanteng Tsino sa 168 Mall ang pag-unlad ng kanilang negosyo, pati na rin ang mga ilan sa mga negosyanteng Pilipino mula sa Monumento, Caloocan City at Proj. 6 Quezon City.


F. Metodolohiya

Sa mga unang araw ng panayam ay nagtungo ang mga mananaliksik sa 168 Mall upang humingi ng pahayag sa mga negosyanteng Tsino sa pamamagitan ng mga tanong, tulad ng “Paano nasakatuparan ang mithiing negosyo?” ,"Paano niyo ito napalago?" at iba pa.
Noong sumunod na araw ay nagtungo ang mga mananaliksik sa Monumento, Caloocan City at Quezon City upang kapanayamin pa ang ilang negosyanteng Pilipinong naninirahan doon.

Kumuha na rin ng mga impormasyon ang mga mananaliksik sa mga aklat at internet ukol sa pinagmulan ng negosyo sa Pilipinas.

Matapos ay aanalisahin at paghahambingin ang mga pagkakaiba at pagkakatulad ng mga konsepto ng pag-iisp ng mga negosyanteng Tsino at Pilipino sa pagpapatakbo ng negosyo.


G. Kahulugan ng mga Katawagan

Negosyante – mga indibidwal na nakikipagsapalaran sa pagbibigay ng kanilang sipag at tiyaga upang mapagyaman ang nasimulang pansariling gawaing komersiyal.

Negosyanteng Tsino – ipinanganak at nanirahan sa Pilipinas ; nang magtagal ay nagtaguyod ng sariling negosyo sa bansa, habang may iba namang nagpapalakad ng negosyong namana pa mula sa mga magulang.

Negosyanteng Pilipino – taglay ang purong dugo ng isang Pilipino ; nakikipagsapalaran na iangat ang negosyo sa sariling bansa.

Pangangalakal – pagbebenta ng mga produkto sa tulong ng pakikipag-ugnayan sa iba pang industriya o negosyo at sa mga konsyumer.

Isahang pagmamay-ari – isang tao lang ang namamahala at nagmaymay-ari ng negosyo.

Sosyohan – samahang dalawa o higit pa ang nagmamay-ari at nagpapatakbo sa negosyo.

Korporasyon – maraming indibidwal ang bumubuo at nagmamay-ari ng isang negosyo.


Puhunan – salapi at material na ginamit ng may-ari upang masimulan ang pagtataguyod ng negosyo.

Tauhan – mga indibidwal na nagbibigay serbisyo sa isang negosyo.

Makinarya – tumutulong sa pagpapabilis ng gawain sa isang negosyo.

Kayamanang tao – pinagmumulan ng lakas paggawa.


Pananaliksik at pagsulong – ginagamit upang mapayaman at mapalago ang negosyo.

Akawnting at pananalapi – isang lupon na namamahala sa bayarin at salapi ng negosyo.

Produksyon – paglikha ng mga produkto at serbisyo upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamimili.

Konsyumer – taong bumibili at gumagamit ng mga produkto na ibinebenta ng mga prodyuser.

II. Katawan

A. Introduksyon sa Negosyo

Ang negosyo ay isang gawain na itinaguyod upang kumita kapalit ng pawis, pag-iisip, at salapi na iniambag ng taga-pamahala rito.
Ito ay nagsimula noong ika-18 siglo, na naging kasingkahulugan ng pansariling gawaing komersiyal. Nagtataguyod ang mga tao nang ganitong uri ng gawain upang makapagambag sa ating ekonomiya. Samantala, binubuo naman ng isang lupon ng magkakaugnay na negosyo ang industriya. Dahil dito’y ang salitang pakikipagkalakan ay tumatayo sa mga salitang negosyo at industriya.
Sa paglipas ng panahon, nagkaroon na ng iba’t ibang uri ng pagnenegosyo. Kabilang rito ang negosyong may nag-iisang may-ari, sosyohan , at korporayon. Ilan sa mga kinakailangan bago makapagtayo ng isang negosyo ay ang puhunan, tauhan, at makina. Ang mga tauhan sa pagnenegosyo ay tinatawag ring manggagawa, kapalit ng tulong na ibinibigay nila ay ang kanilang sahod na maaring salapi o pagkain at tirahan.
Samantala, mayroong limang bahagi ng pagnenegosyo - ang kayamanang tao, pananaliksik at pagsulong, akawnting at pananalapi, produksyon at operasyon, at ang pagtitinda - na mahalaga upang umunlad at maipagpatuloy ng maayos at masagana ang mga operasyon sa isang negosyo.
Kabilang sa mga operasyon na ito ay ang produksyon, serbisyo, tingian, at pakyawan na ibininigay ng isang negosyo sa bawat mamimili upang malutas ang kakapusan sa pangunahing pangangailangan ng bawat tao sa lipunan.
Marapat na tandaan na sa isang negosyo, ang mamimili ang pinakamahalaga, sapagkat kung walang bibili ng isang produkto ay titigil ang daloy ng suplay at demand sa isang industriya, babagsak rin ang ekonomiya ng bansa.

B. Kasaysayan ng Pagnenegosyo sa Pilipinas

Pagsasaka na ang pangunahing kabuhayan ng ating mga ninuno. Halos walang pinagkaiba ang pagsasaka noon at ngayon--nagtatanim at nag-aani ng palay, abaka, niyog, tubo, kapok, gulayin at sari-saring bungangkahoy.

Bukod sa pagkaingin, na malaganap na paraan ng magsasaka, pag-aararo, paglilinang at pagtatanim ng palay o mais, ang ilan lamang na paraan ng pagsasaka.

Dahil nga matalino ang mga Pilipino, ang mga ninunong Pilipino ay gumawa ng paraan, katulad ng patubig, upang maging masagana ang kanilang ani.

Dalawang uri ang pag-aari ng lupa. Isang pansarili at isang panglahat. Isang lupang panlahat ang mga lupang hindi gaanong mataba at yaong malalapit sa bundok. Sa isang banda, ang mga lupang sinasaka na ay mayroon nang nagmamay-ari. Minsan ay nagbabayad ng buwis ang mga mamamayan sa kanilang datu upang pagkalooban sila ng karapatang makapagsaka ng parte ng lupang ito. Ito man ay ipinagkakaloob ng datu upang makuha naman ang kanyang naibayad sa dating may-ari ng lupa.

Hindi lang naman sa pagsasaka nabubuhay ang mga unang Pilipino noon. May mga industriya rin gaya ng pangingisda, paghahayupan at iba pa. Mga materyal tulad ng pana, sibat, baklad, dala, bubo at pamansing ang ginagamit nila sa pangingisda.

Ang natutuhan sa Hapon, katulad ng artipisyal na pagpaparami ng isda ay ginagawa nila. Kilala sa kahusayan sa paninisid ng perlas ang mga maninisid sa Sulu, dahil ang Sulu ay tanyag rin sa buong daigdig sa dami ng perlas na makikita rito.

Mahalagang industriya rin ang pagmimina. Sa paggawa ng mga singsing, hikaw, galang at kuwintas, ang ginto na nakukuha sa mga ilog at mina ang pangunahing metal na ginagamit dito. Maging ang mga unang Kastilang dumaong sa Pilipinas ay nagtaka at namangha nang makita nila ang iba't ibang disenyo ng gintong galang na suot ng iba't ibang Pilipino.

Maunlad din ang ibang industriya tulad ng paggawa ng mga sasakyang-pandagat, paghahabi, paggawa ng iba't ibang uri ng sandata at kalasag at ang pagkakahoy. Dahil sagana rin ang Pilipinas sa likas na yaman, sagana ang kagubatan sa pangunahing uri ng kahoy na siyang sanhi ng paggawa ng mga sasakyang-dagat at bangkang pangkalakalan na dumadayo sa iba't ibang panig ng Pilipinas at maging sa pakikipag laban o pakikipagdigma.

Hindi lang sa isang lugar nakatuon ang mga Pilipino. Nakikipagkalakalan din sila sa iba't ibang panig ng bansa. Madalas o karaniwan nang makipagkalakalan ang isang barangay sa iba pang barangay. Ang pakikipagkalakalan ay ginagawa sa pamamagitan ng paglululan ng mga produkto sa mga bangka dahil malimit at may kapangitan ang mga daan. Malaki ang ginagampanan ng ilog dito sapagkat ito ang daanan ng mga bangkang may dalang paninda. Hindi nalimitahan ang pakikipagpalitan sa isang lugar o barangay ngunit ito ay umabot sa iba pang bahagi ng Pilipinas tulad ng Cebu, Bohol at ang rehiyon ng Mindanao.

Matagal bago gumamit ng mga salapi ang mga Pilipino. Ang moda ng pakikipagkalakalan ay ang pagpapalit lang ng mga paninda. Noong dumating si Miguel Lopez de Legazpi sa Cebu noong 1565, nanlaki ang kanyang mga mata sa mga sasakyang pandagat na nakita niya na mula pa sa Luzon at laman ang mga panindang ibebenta sa Cebu, Bohol, Butuan at Mindanao.

C. Kasaysayan ng Pagnenegosyo sa Tsina

Mula pa noong 972 ay nakikipagkalakalan na ang mga Pilipino at Intsik hanggang sa pagdating ng mga Kastila. Isang patunay nito ang mga napakaraming gamit na porselana na nahukay sa mga libingan ng mga ninunong Pilipino. Mula sa Dinastiyang Sung(960-1278), Yuan(1260-1368) at Ming(1368-1644) ay marami nang nahukay na porselana. Ang lagi at tanyag na nakikita ay ang asul-at-puting porselana ng Dinastiyang Ming. Hindi lang mula sa bansang Tsina ang nahukay; pati na rin sa Sawankhalok, Thailand.

Nagpupunta rin noon ang mga Pilipino sa bansang Tsina upang makipagkalakalan, ito ang binanggit sa mga tala ng Dinastiyang Sung, na kung minsan pa nga ay kasama ang mga Arabo. Ayon kay Chao-Ju-Kua, unang narinig ang salitang "Ma-i" sa Tsina noong 928 nang dumating ang mga Pilipinong mangangalakal sa Canton. Ang ibig sabihin ng "Ma-i" ay ang mga Intsik sa rehiyong Mindoro-Batangas-Maynila-Pampanga. Nakasuot ng sarong na mala-tapis sa kanilang baywang ang mga Ma-i. Kadalasang mga kalakal nila ay mga perlas, bulak, at mga halamang-damo na ginagamit sa panggagamot. Mula sa Pulang Dagat hanggang sa Dagat Tsina ay mayroong masiglang kalakalan noong ika-10 at ika-11 na siglo. Nangunguna sa mga kalakalang ito ang mga Muslim at Arabo. Masigla ang kalakalan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas kung kaya't maganda ang pakikitungo ni Hung-Wu, Emperador ng Tsina, sa mga mangangalakal na Pilipino na kanyang binigyan ng porselana bilang regalo, tela at sinulid na gawa sa seda.

D. Datos/Buhay ng mga Negosyanteng Tsino

1. Unang Kapanayam

JOSEPH LIM-tagapangasiwa ng bagong bukas na store sa 168 Mall

Si Joseph Lim, 45 taong gulang, ay isa sa mga Chinese businessmen na sinundan lamang ang nakaugalian ng pamilyang Tsino sa pagnenegosyo. Si ginoong Lim ay nagtapos ng BS Chemistry sa Unibersidad ng Santo Tomas. Noong siya ay nag-aaral pa ay hindi niya hinangad na pangasiwaan ang isa sa mga negosyo ng kanilang pamilya.

Ipinadala siya sa abroad upang magkaroon ng sapat na kamalayan sa pagnenegosyo. Sa pag-uwi niya sa Pilipinas ay nagtayo siya ng negosyo na naglalayong maihatid ang mga nauusong rock style shirts na para sa mga kalalakihan. Kinontrata niya ang isang kumpanya na nagpapadala ng mga exported shirts sa Amerika. Dahil sa overproduction na mga damit, pinahintulutan siyang bilhin na lamang ang mga sobrang damit at iyon ang kanyang ibinebenta sa Pilipinas.

Noong 2007 ng Nobyembre, sa puhunan na Php300, 000 (kasama na ang renta sa kanyang pwesto) ay kumikita siya ng halos kalahati nito buwan-buwan.

Ayon kay ginoong Lim, kailangang piliing mabuti ang lokasyon ng ninanais na negosyo upang makakuha ng maraming mamimili. Ito ang kanyang dahilan kung kaya niya minarapat na magtayo ng negosyo sa 168 Mall, Divisoria, Manila. Ang pagtatalaga ng pang-masang presyo ay dapat ring isaalang-alang sa pagnenegosyo.

Para naman mapalago pa ang negosyo, plano niyang mag-angkat pa ng bagong istilo ng damit mula sa abroad upang hindi magsawa ang kanyang mamimili.

2. Ikalawang Panayam

JENNY WU-Tagapangasiwa ng Touch Gifts (Touch gift! Touch your life!)

Ang Auntie ni Jenny Wu ang nagmamay-ari ng pangunahing branch ng Touch Gifts sa nakadistrito sa Quiapo, Manila. Sampung taon na umaani ng progreso ang nasabing negosyo. Ito ang nagbigay-daan sa pagbubukas ng kanilang bagong branch sa 168 Mall, Divisoria, Manila noong 2007 ng Oktubre. Pinangangasiwaan ito ni Jenny, 21 taong gulang, kaagapay ang kanyang nobyo na si Tony Jiang, 25 taong gulang. Ngayon, si Jenny ay nasa ikalawang taon sa kolehiyo sa University of the East sa kursong business management. Bata pa lamang ay ipinararanas na sa kanya ang paghawak ng negosyo.

“(Ang mga) Chinese kasi mahilig sa business… para savings (na rin) for future”, pagpapatunay ni Jenny.

Ang Touch Gifts ay naghahandog ng iba’t ibang produktong inaangkat pa mula sa Tsina, tulad ng vase, picture frame, paper bag, figurines, lunch box, glass, pot at candles. Ang mga ito ay naaangkop sa pangregalo o ‘di kaya’y pangdekorasyon sa bahay. Mas pinili nila na pagkakitaan ang ganitong uri ng mga produkto sapagkat wala silang masyadong kakompitensya kumpara sa mga nagbebenta ng mga damit o bags. Upang maihatid ang katangi-tanging produkto na may garantiyang kalidad, inaalam muna nila kung saan sila makakakuha ng stock na wala sa iba. Ang pagbibigay ng abot kayang halaga ay isa rin sa kanilang istratehiya upang mapanatili ang dami ng bilang ng kanilang mamimili.

“… Now, customer(s) is (are) much (more) intelligent than before. They will compare the price, compare the quality… so one price, (and) quality”, dagdag ni Tony.

Tulad na rin ng maraming negosyanteng Tsino, balak rin nina Jenny at Tony na magbukas ng isa pang branch ng kanilang negosyo. Kung dodoble pa ang kanilang kita ay magtatayo sila ng negosyo sa Tsina ngunit ibang produkto naman ang kanilang ibebenta.

Talaga nga naming kumikita ng husto ang kanilang negosyo dahil maraming kilalang personalidad ang tumatangkilik ng kanilang negosyo, tulad nina dating First Lady Imelda Marcos, Randy Santiago, Mayor Alfredo Lim.

E. Datos/Buhay ng mga Negosyanteng Pilipino

1. Unang Kapanayam

Imelda Quimba-Tagapangasiwa ng Secrezy


Hayskul lamang ang tinapos ni Gng. Imelda Quimba ngunit hindi ito naging hadlang upang makahanap siya ng mapagkakakitaan.

“Kung may gusto ka marating kahit ‘di ka nakapag-aral… kaya ‘yon e!”

Naging ahente siya ng lights and sounds buy and sell business sa mga probinsya. Sa maliit na kinikita, nakapagpundar siya ng negosyo sa Morayta, Manila, kung saa’y nagbenta siya ng silver accessories sa isang maliit na stall. Dahil patuloy pa rin ang pagtratrabaho niya bilang ahente, hindi nasubaybayang mabuti ang kanyang negosyo kaya minarapat niyang ihinto na lamang ito.

Taong 2005, sa ikatlong palapag ng Araneta Square, Caloocan City ay nakapagtayo siya ng tiangge ng mga accessories na pambabae. Ang ilan sa kanyang mga binebenta ay siya mismo ang gumawa. Mula sa Php1, 000 na kinikita araw-araw, inilalaan niya ang Php700 sa pamimili ng mga ititinda at ilang materyales sa paggawa ng accessories.

Disyembre 2006, sa edad na 39 taong gulang, ay nagkaroon siya ng sariling store sa ikalawang palapag ng Araneta Square, Caloocan City. Sa halagang Php92, 400 ay nabili niya ang pwestong kinatatayuan ng kanyang negosyo. Naglaan naman siya ng halos Php15, 000 sa pamimili ng mga produktong ibebenta. Kung noo’y puro mga accessories lamang ang kayang paninda, ngayo’y nagbebenta na rin siya ng mga damit, sinturon, bags, lanyard, under wears, cell phone accessories, at kung anu-ano pang mga pangkikay na kagamitan.

Nagbabalak rin siyang magtayo ng isa pang branch sa ibang mall upang maging kilala ang kanyang negosyo.

2. Ikalawang Kapanayam

SUSANA SY-Tagapangasiwa ng Popcy’s Bulaluhan at iba pa!

Ang Popcy’s Bulaluhan at iba pa! ay isang restaurant sa may Mindanao Avenue, Tandang Sora, Q.C. na pagmamay-ari ng 56 na taon gulang na si Gng. Susana Sy. Ito ay bukas 24 oras at dinadayo ng mga tao dahil sa kasarapan ng mga pagkain dito at may kamurahan pa. Si Gng. Sy ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral subalit sa kanyang sariling kakahayan napaunlad niya ang kanyang negosyo. Nagsimula siya sa isang babuyan at di naglaon naisipan niyang magtinda ng karne ng baboy sa palengke. Hanggang maisipan niyang magtayo ng isang maliit na kainan malapit sa palengke. P15,000 ang buwanang bayad niya sa puwesto. Kumikita siya ditto at pagkaraan ng isang taon ay inupahan niya ang isang gusaling malapit sa palengke sa halagang P35,000 kada buwan at ginawa niya itong restaurant na tinaguriang Popcy’s Bulaluhan at iba pa! Kumikita siya ng P8,000-P10,000 kada araw. Kailangan niyang kumita ng P120,000 buwan-buwan para pambayad ng upa, suweldo ng kanyang mga tauhan at iba pang mga gastusin.

Nakuha niya ang panggalan na Popcy’s dahil noong nagkasakit ang kanyang kapatid na “Aneurism” at ito’y nasa bingit ng kamatayan ay biglang gumaling at parang walang nangyari, parang “popcorn” na bigla ang pag-alsa.

Ilan sa kanyang sikreto sa pag-unlad ng kanyang negosyo ay ang mahusay niyang pagpaplano. Araw-araw ay inililista niya ang kanyang mga gastos mula sa mga karne na binibili niya sa kanyang Meat Shop, mga ingredients, at sa suweldo ng kanyang mga tauhan. Masayahin siya lagi sa kanyang mga parukyano at nag-iisip ng magandang paraan kung paano sila mabibigyan ng tamang serbisyo. Siya rin mismo ang nag-aasikaso sa kanila; ginagamitan niya ng kanyang “personal touch”.

Nais pa ni Gng. Sy na palaguin ang kanyang restaurant sa pamamagitan ng pagdagdag ng iba’t iba pang putahe ng pagkain. Para sa kanya ang 3 taon ng kanyang negosyo ay nasa “floating stage” pa lang at hindi pa siya masyadong nakakabawi. Kung sakaling umasenso ng husto ang kanyang negosyo ay pagagandahin pa niya ito at kung may pagkakataon ay magdadagdag pa siya ng bar dito.

III. Pagtalakay at Pagsusuri ng Resulta/ Panayam

Matapos ang mga panayam at iba pang nagawang pananaliksik, napagtanto ng mga mananaliksik na ang mga negosyanteng Tsino ay kadalasang nasusuportahan ng pamilya sa kanilang nais tahaking landas sa pakikipag-kalakalan. Ito’y sa dahilang likas na sa mga Tsino ang pagpapasa-pasa sa angkan ng nasimulang negosyo.
Maituturing na mas bihasa ang mga Tsino sa pagpapatakbo ng negosyo dahil mula pa pagkabata ay tinuturan na sila kung paano ang tamang pamamalakad sa gawaing komersiyal na ito. Tila isang responsibilidad na ang matuto sa ganoong uri ng gawain upang patuloy na mapa-unlad ang nasimulang negosyo ng kanilang mga magulang.
Mayroon rin namang mga Tsinoy na kahit pa malayo ang pagkakahawig ng kursong natapos ay tinahak pa rin ang pagkokomersiyo. Ngayon, karaniwan na ang makakita ng mga Tsino na mayroong sariling puwesto o sariling negosyo sa mga lugar na panlipas-oras, maging mga makapangyarihan at malalagong negosyo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Samantala, hindi naging madali sa mga negosyanteng Pilipino na makapagtaguyod ng sariling negosyo at maabot ang kanilang tagumpay, bagama’t noong bata pa ay nagkaroon na ng kamalayan sa larangan ng pakikipag-kalakalan, ay may edad na bago nakapagpundar ng sariling negosyo.
Ilan sa mga naging salik nito ay ang kakapusan sa puhunan at ensayo sa pamamalakad ng negosyo na makakatulong sa pagsisimula nito. Ang pamilya nama’y ‘di kadalasang nakasuporta sapagkat hindi gaanong likas sa kulturang Pilipino ang pagmamana ng negosyo ng mga magulang.
Gayon pa man, ang mga negosyanteng Pilipino na nakapanayam ng mga mananaliksik ay nagsumikap, kasabayan ng mga Tsino, upang makapagtaguyod ng sariling negosyo sa sariling bansa. Sa kabutihang palad, ang pagsisipag at pagtitiyaga ng mga Pilipinong nakapanayam ng mga mananaliksik ay nagbunga ng masaganang pangangalakal.

IV. Konklusyon

Nais patunayan ng pananaliksik na ito na mas mabilis na umunlad ang mga negosyanteng Tsino kaysa sa negosyanteng Pilipino kahit pa sila ay nasa Pilipinas at kahit pa may ilang mga pagkakahawig ang mga paraan na gamit nila sa pagpapaunlad ng negosyo.

Ayon sa masusing pag-aaral ng mga mananaliksik, ang mga Tsino ay sinasanay na ng kanilang mga magulang sa pagpapatakbo ng negosyo habang bata pa at ito’y nakatutulong sa kanilang mas mabilis na pag-unlad sa negosyo. Kadalasan rin ay namana na lamang ang negosyong kanilang hahawakan at ito’y nakadaragdag sa kanilang puhunan.
Samantalang ang mga Pilipino ay hindi nasimulan ang pag-aaral sa pagpapatakbo ng negosyo sa murang edad, bagkus ay nakapokus ang kanilang atensyon sa kung paano bubuhayin ang sarili para sa kinabukasan.

Ngunit magka-gayon man ay nagbuhos ang mga negosyanteng Pilipino ng matinding sikap upang maabot ang tamis ng kanilang tagumpay.
Marami man sa mga Pilipino ang hindi kumukuha ng kursong komersiyo o kaya’y hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay nagsikap pa rin upang magkaroon ng sapat na puhunan para sa pagsisimula ng negosyo. Hindi man karaniwan sa mga Pilipino ang makuha na sa tradisyong pasalin-salin ang negosyo mula sa angkan ay nakapagtaguyod pa rin ng masaganang negosyo katumbas ng sipag at tiyaga.


Gayon pa man, may mga pagkakahawig pa rin ang mga BASIC na paraan ng mga negosyanteng Tsino at negosyanteng Pilipino sa pagpapa-unlad ng kanilang pansariling gawaing komersiyal. Ilan na sa mga ito ay ang pagsisipag, pagtitiyaga, at paggamit ng talino at diskarte upang makakuha ng atensyon ng mga mamimili.

Magka-iba man ang takbo ng isip ng mga negosyanteng Tsino at Pilipino ay iisa pa rin ang kanilang hangarin – ito ay ang umunlad at makapag-palawak pa ng kanilang pangangalakal sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at maging sa buong mundo.

Ang Balangkas

Paksa: Negosyo

Tesis: Ang mabilis na pag-unlad ng mga Tsino kaysa sa mga Pilipino sa larangan ng pagnenegosyo sa Pilipinas

I. Panimula
A. Panukalang Pahayag
B. Paglalahad ng Suliranin
C. Kabuluhan ng Pananaliksik
D. Layunin ng Pananaliksik
E. Saklaw at Delimitasyon
F. Metodolohiya

II. Kahulugan ng mga Katawagan

III. Katawan
A. Intoduksyon sa Negosyo
B. Kasaysayan ng pagnenegosyo sa Pilipinas
C. Datos/Buhay ng mga negosyanteng Tsino
1. Unang kapanayam
2. Ikalawang kapanayam
D. Datos/Buhay ng mga negosyanteng Pilipino
1. Unang kapanayam
2. Ikalawang kapanayam
3. Ikatlong kapanayam

III. Pagtalakay at Pagsusuri ng Resulta/Panayam

IV. Konklusyon

Wednesday, March 12, 2008

pambungad na pagbati

maraming salamat sa pagbisita sa aming blog. sa inyong pagbabasa, makikita ninyo na ang aming karaniwang pokus ay ang batayan kung sino ang mas maunlad sa pagnenegosyo at ang mga dahilan nito. sa ngayon, hindi pa kami tapos sa aming ginagawa at nangangalap pa kami ng mga impormasyon ukol sa mga bagay na ito. marami pong salamat! :)